“Ano na naman ba iniiyak-iyak mo dyan, pangit? Kung tutuusin mani-mani (peanuts!) na lang yang ganyang problema sa ‘yo,” sabi ng abest buddy kong si Jayz. “Tumigil ka na’t lalo kang pumapangit pag umiiyak ka,” dagdag ng kumag. Aminin ko ba naman kasi na broken-hearted ako, hayun, sermon at pang-aapi tuloy inabot ko. Sinisi ko nga sya, “Ikaw kasi, kahirap ng matawagan, out of reach palagi, kaya noong may dumating sa buhay ko na walang kwentang kausap na kagaya mo, hayun, nahulog tuloy loob ko sa loko at ngayon out-of-my-life na sya!” (sabay singhot…) Tinawanan ba naman ako ng Jayz. Dagdag ko, “Ganyan! ‘ala ka talaga kwentang pinsan at kaibigan. Sa halip na samahan mo ko sa pag-iyak, ini-engganyo mo pa akong tumawa. ‘ala ka talaga kwenta!” Sagot nya pagkarinig sa tono ng boses ko, “oh, ano tinatawa-tawa mo dyan ngayon? Akala ko ba umiiyak ka kanina?” Sus! Makakilala ka ba naman ng mas baliw pa sa ‘yo?! Kadugo ko nga ‘tong kenkoy na ‘to.
Ganyan lang naman ang takbo ng usapan namin ng kung sino mang nilalang na nakakakilala na sa good-crazy-bad sides ng pagkatao ko. Katulad na lang ng isang Mr B na abot hanggang langit ang respeto ko, kapag na-sense sa email o text message ko na tinutopak ako, sasabihin nyan, “Depressed ka na naman, ano? Hah hah hah, ha!” Kantahan ka ba naman ng halakhak, hai ya! Hindi kailangan ng maraming salita o kaek-ekan na pangungumbinsi na wag na ‘ko mag-emote, just tickle my funny bone at ayos na ayos na ‘ko. At hindi rin kailangan ng maraming salita para malaman ng tunay na kaibigan na wala ka sa “katinuan” (bad-crazy;) –malimit akong atakihin nyan, nya ha ha! Malungkot at masaya ka man, mararamdaman ng kausap mo sa kabilang linya ng telepono, o sa tono ng sulat mo, ‘dinig’ ka, ‘day. Itong klase ng mga nilalang ang bumabalanse sa katinuan ng pag-iisip ko… Hindi ka nga nila dadamayan sa pagluha (”umiyak kang mag-isa, pangit,” sabihin pa sa ‘yo), pakakabagin ka naman sa pagtawa at pagagaanin ang pakiramdam mo sa pang-aasar hanggang sa mawala na sa isip mo ang iyong kadramahan.
Kamakailan lang, sabi ko sa mahal kong dakilang kaibigan, “Thanks for letting me get away with my craziness.” Laking biyaya talaga sya sa mundo ko. Mangilan-ngilan lang ang mga taong marunong ‘bumasa’ sa ‘yo. Sa kanila, di ka matatakot magtanggal ng maskara at nakakasiguro ka na di ka nila tatalikuran malaman man nila ang tunay na ikaw — kung gaano ka masaktan, lumaban, magsaya, humilik, magalit, humagalpak sa tawa, magmura, kumanta ng wala sa tono, maglupasay sa iyak at inis, maglaro… Sa harap nila, tunay na tunay ka — perpektong halimbawa ng napaka-imperpektong pagkatao– taong-tao. Sa kabila ng lahat ng ka-imperpektuhan at kakulangan mo, andyan lang sila sa tabi mo palagi. Hindi man kayo magkita at mag-usap ng madalas, panatag ang loob mo dahil alam mo at nakakasiguro ka na may nagmamahal sa ‘yo at nagtitiwala sa kakayahan mo… na sakyan ang anumang alon na sasalpok sa yo… Ikaw ‘yong surfboard, sila ‘yong malakas na hangin na mag-iihip sa ‘yo sa dalampasigan (sus! sa seashore na tayo ngayon!). Teka, balik tayo sa alon, dapat pagitna sa laot papuntang kabilang ibayo, hindi pabalik sa pinanggalingan. Ano pa man, ang mga kaibigan na ‘to ang nagsisilbing hangin at driving force na magtutulak sa ‘yo para makatawid ka sa destinasyon mo. Ikaw na ‘yong barko, hindi na surfboard, noh!
Ganyan ang malaking silbi at importansya ng best buddies ko kaya kahit tawagin man nila akong ‘pangit’ at ’sira’ palagi, at peace ako dahil ang alam ko… ako lang ang supercute sa life nila. Ayaw lang nila aminin baka lumaki ang ulo ko’t ipagmayabang ko, hek hek hek! Alaskahin man ako ni Jayz, ok lang din kasi alam namin pareho na mas pango ilong nya kesa sa ‘kin.
Author: Joy Marqueses
*Published in TF Newsmag (September 2008 issue)
13 December 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment