Tulala sa isang tabi, walang sinasabi
Hindi maipahayag, damdaming nakakubli
Kung pagmamasdan, walang dinaramdam
Ngunit sa kaibuturan, labis s’yang nasasaktan.
Kung tawagin nga’y bayani, isang katanyagan
Ngunit ang puso ay sadyang sugatan
Bayaning nagtataglay ng kalungkutan
Isa ngang bayani, subalit luhaan.
Sabik sa pamilya, kulang sa pagmamahal
Walang masandalan sa oras ng kalumbayan
Hinahanap na atensyon, di naman makamtan
Dahil mahal sa buhay, ay may kalayuan.
Katanungan sa isip ito ba ang kapalaran?
Ang maging malayo sa mga mahal sa buhay
Hanggang kailan magtitiis ng ibayong kalungkutan
Ang paghihirap ba ay may katapusan?
Lumuluha sa karimlan, tumititig sa kawalan
Nakatingala sa langit, at laging umaasam
Sana’y malampasan ang mga kahirapan
Upang makapiling na ang mga minamahal
Author: Zyrel
*Published in True Friends Newsmag (September 2008 issue)
13 December 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment