“Ganda, halika huhulaan kita!”, ang sabi ng isang nakasalubong ko habang ako ay naglalakad sa Robinson’s Galleria at nag-wiwindow shopping. Ang kanyang mukha ay tila alanganing babae at lalake. Ang kanyang pangangatawan naman at pati na ang mga bisig ay hitsurang lalake. Feminine siyang kumilos, in fact, medyo pakendeng-kendeng pa nga siyang maglakad. Malantik ang kanyang artipisyal na pilik-mata na obvious na idinugtong lang. Dahil ang kanyang ilong ay matangos, ito ay nakapagpadagdag ng animo’y tunay na anyong babaeng sa kanyang makutim na kulay ng mukha. Halata ang mga wrinkles niya. Ang kanyang edad kung iyong susuriin ay mga 48 pataas. Ang kanyang mga daliring medyo matigas na malantik ay may manicure na kulay pula. Makikita mong medyo burado na ang kyutiks ng mga ilan dito. Makapal ang kanyang eye-liner at eyebrows. May lipstick siya na higit na mapula kaysa karaniwan. Sunog sa araw ang kulay ng balat. Nakasuot siya ng sandals na pambabae at pantalong kulay lumot na tila uniporme ng army; pink ang kanyang t-shirt na may kwelyo; “lacoste” ang tatak nito - ‘yung tipong imitation na “lacoste”.
“Halika na, mura lang,” masuyong anyaya niya.” Marahil ay mas na-enganyo ako sa katangi-tanging hitsura ng nilalang na nasa aking harapan. Para sa akin ay may isa siyang kakatwang katangian. Isang binalake. Kakaiba ngunit may kayumian ang kanyang hitsura hindi kagaya ng mga ibang matataray na baklita. Bihira akong may makausap na ganitong anyo. Kung titingnan mo siyang mabuti ay mapapansin mong hindi siya isang manlolokong tao, nais lang na matulungan ka niya kung ano man ang gusto mong malaman. Kung baga, wala siyang pangingimi at walang halong panlililo. Nababasa kaya niya ang nasasaloob ko ngayo? Alam kaya niya ang aking dinaramdam?” Ito’y isang palaisipan sa akin. Tapat ang kanyang pag-anyaya. Para tuloy akong naging curious, gusto kong subukan kung paano siya manghula.
“Sige, magkano?” Tanong ko. “Mura lang”, sagot niya. Sa totoo lang ayaw kong masyadong magpaimpluwensya sa hula. Naalala ko noong panahon ng aking kabataan, kasama ko ang mga katandaan at halos malibot na naming lahat ng mga magagaling at balitang manghuhula sa kapuluan. Kaya hayun, minsan may mga natutuklasang mga nakakatawa na kagaya ng ang anak niyang ampon ay anak daw ng kanyang Mister sa ibang babae. At ang isa naman ay hindi daw ‘yung boyfriend niya sa kasalukuyan ang makakatuluyan kundi iba…siya nga namang nangyari. Bagama’t para sa akin naman ay gusto ko lang magbakasakali, parang katuwaan lang. ‘Di pa naman ako nabibigo nung mga panahon na ‘yun, at kung may mga manliligaw man, hindi ko pa naman sila pinag-uukulan ng pansin… kaya lang ako sumasama sa kanila ay upang malaman ko ang aking kapalaran tungkol sa aking pangarap na makapag-abroad. Positive naman kung tutuusin ang mga basa sa palad at baraha. Maganda lahat, tungo lahat iyon sa pag-unlad. Ngunit nang ako ay napaanib sa isang relihiyon na kahit ang paglalaro ng baraha ay hindi tinatanggap, pinilit ko ng umiwas sa mga ganito, gaano man kabisa at katotoo ang kanilang mga hula. Mayroon pa nga akong iniwasan na Psychic, na close friend ng aking mga relatives, subalit bukod tanging ako lang ang hindi nagbigay ng pagkakataon upang matingnan ako.Ngunit, ngayon gusto kong subukan ito just for fun. Isa pa malungkot ako ngayon. Para ba akong naging excited sa sasabihin niya.
Iginiya niya ako patungo sa isang simpleng restawran na tipong style ng Mc Donald’s. Habang nakasunod ako sa kanya alam kong siya ay naghahanap ng isang maayos na puwestong walang masyadong tao. Halatang siya ay madalas gumawi dito. Umupo kami sa may bandang sulok. Nagpalinga-linga ako sa paligid. May mga tao ring mangilan-ngilan na kumakain sa loob. Na tila wala naman ding pakialam dahil may kanya-kanya ring pinagkakaabalahan. Ang iba naman ay nagkwekwentuhan lang. May ibang nagpupukol ng tingin sa amin, pero wala lang. Ilang sandali ang makalipas pagkaraan naming makaupo ay inilabas niya ang isang salansan ng baraha. “Binalasa sa tatlo. “Bumunot ka ng tatlo.Kahit saan.” “Naku, yayaman ka!” ang sabi nya pagkakita niya sa diamond na pula. At pagkaraang ilapag ang pusong pula, “Tapat kang magmahal.” At pagkaraan pa ng isa ay: “Masama kang magalit,” bulalas na sabi niya. Ouch! Pagkaraan nito ay isa-isa niyang inihelera ang mga baraha. “Alam mo napakabuti mong kaibigan. Mapagbigay ka. Tumutulong ka sa nangangailangan. Hindi mo matitiis basta’t may lumapit at humingi ng tulong sa iyo. Kapag iniisip mo nagkakatutuo. Pero masama kang magalit, ganda. Iwasan mo yan. Kasi kapag nagalit ka may masamang nangyayari sa tao. Totoo ka kasing tao at napakabuti mong kaibigan. Kaya iwasan mong magalit, ganda ha?” Binalasa na naman niya, “Kuha ka uli ng tatlo….naku hayan, masama ka talagang magalit!” “Pero may nagmamahal sa iyong lapitin ng babae. Nakikinig naman siya sa iyo. Basta’t sinabi mo ginagawa naman niya. Kamuntik na tuloy akong maiyak sa sinabi niya. Dahil ilang araw na akong nagmumukmok dahil sa sama ng loob. Nag-away kami. Love-hate friendship namin ng best of bests ko. Close kasi kami. As far as I know, super special din ako sa kanya the way he treats me….and we treat each other that way. Extra-ordinary and especial nga actually… Whatever. Nakakatuwa nga…close na close kami, pero para kaming aso’t-pusa. “O malapit na tayong matapos,” aniya.
“P’wede ba akong magtanong,” ang sabi ko. “Pero magdadagdag ka ng bayad,” sabi niya. Nagbago ang isip ko, “Ay hindi nalang!” Pero bigla niyang sinabi, “Sige pero isang tanong lang ha?” Ay, isa lang? No choice. Pero sige na nga,” isip ko. “O sige… nababasa mo ba ang nasa isip ko ngayon?” pabirong tanong ko. Binala-balasa niya kunwari ang baraha. At saka niya inihilera ng pataob. Pagkaraan pumipili siya ng barahang inilalapag niya ng nakatihaya. Naghilera siya ng lima. “H’wag kang malungkot, dahil ang mahalaga ay nagkakaunawaan kayo. Kung ano ang nararandaman mo ngayon ay ganon din siya. Gaya ng kung mahal mo siya mahal ka rin niya. Iisa ang damdamin n’yo. Mahalaga ka pa rin sa kanya. Ganon din siya sa iyo. At kung mas sobra pa ang pagtingin mo sa kanya, ganon din siya sa iyo. Marami ang nagkakagusto duon. Pero nakikinig din siya sa iyo.”
Di ko alam kung matatawa o maiiyak ako sa nadinig ko. Kung ‘di lang sulky ang present moment ko, tiyak na mapapahagikgik ako o kaya ay kikiligin to the bones ako. Pero iisa lang ang masasabi ko, manghuhula talaga siya. But at this time, ang tawag ko sa kanya ay soul comforter. Binayaran ko siya ng isang daan, at naghiwalay na kami. Pero isa lang ang nasa isip ko, totoo man o hindi ang kanyang hula, ang importante ay napaglubag niya ang loob ko. At least ngayon, medyo nakakangiti na ako. Sumaya ako sa mga sinabi ni sister-brother - whatever his name was. Dahil ako pa rin pala ang best of bests ng best of bests ko.
Author: Cherrie Mon
*Published in TF Newsmag (September 2008 issue)
13 December 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment