14 December 2008

Engkwentro

Nanginginig sa takot. Butil-butil na pawis ang tumatagaktak mula sa noo, nanlalamig sa nerbiyos at nauutal. Anong nakikita ko? Sa may bukana ng pintuan, isang matandang babaeng nakaitim ng sumbrero at my hawak na nangingintab na parang palakol. Nakayuko sya’t hindi ko maaninag ang itsura. “Si… sino ka?”, pilit kong hinagilap ang aking boses. Unti-unting tumingala at tumingin sa dako ng aking kinaroroonan. Nakita ko ang kulubot niyang pisngi.

Ang kulay suka niyang balat at ang inaagnas niyang mukha. Ngumiti siya sa akin. Ngiti ng kamatayan. Lalo akong kinalibutan. Nanindig ang aking balahibo. Pinilit kong tumakas. Kumaripas ako ng takbo hanggang sa hindi na niya ako maabutan. Ngunit mabilis niyang hinaklot ang aking braso. Sobrang higpit na kahit anong gawin kong pagprotesta ay hindi pa rin ako makawala. Pinilit kong sumigaw upang humingi ng saklolo pero walang lumabas na boses sa aking bibig. Inipon ko ang aking lakas, tinibayan ang aking dibdib at buong pwersa kong isinigaw, “Pakawalan mo ako!” Subalit mistulang walang nakakarinig. Walang sasaklolo. Alam kong katapusan ko na.

Kasabay ng pagpatak ng aking luha, ipinikit ko nalang ang aking mata. Mabilis akong nagbalik tanaw sa nakaraan. Inalala ang mga mahal sa buhay, mga taong naging bahagi ng aking pighati at ligaya. At kung bibigyan man ako ng pagkakataon ni kamatayan na gumawa ng 3 kahilingan bago ako tulayang maging isang kasaysayan na lamang, hihilingin kong…
1. Bigyan ako ng isang araw na makasama ang aking pamilya.
2. Makita at makausap ang sinumang nasaktan ko o nakapanakit sa akin.
3. Ikasal ako sa dambana.

At sa puntong ito inihanda ko na ang aking sarili mula sa sugo ni kamatayan. Tanggap ko na ang aking katapusan… Hanggang sa maramdaman kong my malamig na kamay sa aking balikat. Niyuyugyog ako… “Hey,wake up! You’re having a bad dream! It’s time for work and yet you’re sleeping. Better stand up and start working before I terminate you!” Habol ang hininga, iminulat ko ang aking mata. Whoa! Anong nakikita ko? Hindi ko maipinta ang mukha at nanlilisik ang matang nakatunghay sa akin.Ayyy… ang amo ko pala! Lagot, parusa na naman ‘to! Pero salamat, Diyos ko, at buhay pa pala ako. Happy halloween!

Author: Amy Gunnacao

*Published in True Friends Newsmag (November 2008 issue)

No comments: