Kunyang, maid, alila, katulong — magkakaibang bigkas pero iisang kahulugan. Kunyang sa Chinese kung tawagin. Tuwing uuwi tayo sa Pilipinas at may magtanong, “Anong work mo sa HK?” Simpleng sagot mo, “Eh ano pa, di kunyang.“ Medyo okey sa pandinig lalo na’t ang mapagsasabihan mo ay walang karanasan na naging kunyang dito sa Hong Kong. May dating kumbaga. Yan po ang katotohanan, ‘di ba? Pero ano at sino nga ba ang kunyang sa Hongkong?
Ahhh… kami po yung mga Pilipinang nakakalat d’yan sa Central pag araw ng Linggo. Nakaupo sa tabi ng kalye, sa parke, may latag na d’yaryo, may munting tahanan na yari sa karton. Munting tahanan namin, alam mo? Walang bubong, walang pintuan at walang kusina pero masaya kami. Sama-sama ang magkakaibigan, parang iisang pamilya. Parang fiesta sa dami ng pagkaing nakalatag sa aming hapag na semento o kaya’y kartong pinatuwad. Swerte kapag birthday mo, kasi kahit wala kang pangblow-out, engrande ang handa mo. Patak-patak kasi ang miyembro. Paiiyakin ka habang pinahihipan ang cake na regalo nila. ‘Pag may okasyon, Mother’s Day? S’werte mo, Nanay, kasi kahit malayo si Tatay may rose ka galing sa kaibigan at may kiss pa.
Iyakan, tawanan, asaran. Tahanan nami’y punung-puno ng sikreto ng aming mga hinaing sa hirap na dinaranas namin dito. Lahat ng problema sa aming amo, dito namin isinisiwalat. Problema sa pamilya sa Pilipinas, dito rin nalulutas. Ala-sais pa lang, hapunan namin ay ilalatag na dahil bawat isa sa amin ay may curfew. ‘Di doon pup’wedeng lumagpas. Lagot ka kay amo. Kaya ayaw man namin matapos ang masaya naming huntahan, kailangan naming gumayak. Munti naming tahana’y muling aming gigibain upang sa susunod na Linggo kami’y muling may matirhan. Dahil uuwi muna kami sa aming tunay na tahanan. Doon po kami tinatawag na tunay na kunyang.
Author: Maricel Manzanal
*Published in TF Newsmag (August 2008 issue)
13 December 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment