13 December 2008

Ang Bestfriend Kong Kikay

Naniniwala ba kayo sa kasabihang “bestfriends are best enemies?” Hindi ako naniniwala sa kasabihang ito … nasa nagdadala yan, di ba? Si Condessa Guerrero ang bestfriend ko. Long-legged siya kaya siyempre siya ay matangkad. Hindi siya kagandahan pero ang mahalaga ay maganda ang kalooban niya kumpara sa kanyang panlabas na anyo. (Sana hindi siya masasaktan pag nabasa niya ito.) Pwede sana siyang pang model kasi matangkad sa karaniwang Pinay (5′6). Kaya lang korte kwatro-kantos ang katawan niya, plus iyong 5 kilos na bilbil niya at may tig-ilang barya rin sa legs niya. Sa unang tingin mo pa lang sa kanya o first time na nakasalamuha ay agad kang mangingimi na batiin siya at sasabihin mo ring super suplada siya kasi ang expression ng mukha siya ay napaka-istrikto talaga. Pero sa totoo lang kikay pala siya. Daig pa niya si Ai-Ai delas Alas kung magpatawa dahil komikera at medyo magkahawig pa yata sila dahil pareho silang kamag-anak ng yumaong si Babalu. Nagtataka nga kaming mga friends niya kung bakit wala man lang talent scout na nakatuklas sa pagiging kikay at komedyante siya. Sayang nga, eh, dahil malapit na siyang mag-golden anniversary sa ibabaw ng lupang hinirang pero imbes na mapabilang sana siya sa mga iniidolong komedyante at kontrabida sa TV man o sa pelikula ay kung saan-saang lupalop na ng mundo siya napadpad para magpaalila. Tatlong barako ang mga anak ni bestfriend pero kung umasta ay parang dalaga kahit kuwarenta y siete na siya.

Si bestfriend ay tapos ng kursong Edukasyon at may walong taong nagturo ng elementarya sa Pilipinas subalit mas pinili niyang magtrabaho sa ibang bansa sa akalang madaling makaipon sa abroad dahil mas mataas ang sahod; akala niya ay gaganda at puputi siya pag nag abroad; at buong akala niya ay ito ang napakadaling daan para makapunta sa Canada. Ayun nga at dala-dala niya pati ang nakalaminate niyang high school diploma. At pati ang gutay-gutay at inaamag na niyang birth certificate na pinahalungkat niya sa kapatid niyang duling — na siya na lang naiwan sa family house nila dahil sa kasamaang-palad ay nag-iisa pa rin sa buhay kahit 59 ½ years old na siya dahil walang lalaking naduling sa angkin niyang ganda — ay dala-dala rin niya saan mang bansa siya mapadpad para magpaalila.

Isang araw ng Linggo ay sinadya niyang pumuntang mag-isa sa Kowloon Park dala ang ilang pocketbooks na kunwari ay babasahin niya habang naka-upo sa isang bench doon. Pero ang talagang pakay niya ay mamingwit ng lalaki – puti man o itim, para lang alamin kung may karisma pa siya. Walang anu-ano ay may tumabi sa kanyang black man — matangkad, guwapo, superkinky ang maiksing buhok, maganda ang katawan kaya lang makapal daw ang labi. (Sabagay medyo makapal din ang labi ng bestfriend ko kaya bagay sila.) Nagkakilala, nagkwentuhan at naging magkaibigan. Then niyaya raw siya ni blackie sa kanyang pad the next Sunday para ipakilala sa mga relatives and friends nito na, of course, ay mga black din.

Dumating ang araw ng Linggo at noong alam kong nandoon na siya ay tinawagan ko siya. Hayun at tuwang-tuwa ang bruha dahil sa lahat ng mga naroon ay siya raw ang pinaka-maputi. Ngipin lang daw ng mga blacks ang mas maputi kaysa sa kanya. Pero ang masaklap imbes na siya ang pakainin, dahil siya ang buwisita, ay siya naman daw ang niyayang maglibre sa kanila dahil nga sa mas maputi siya kaysa sa kanila. Imbes na maimbiyerna ay pinagbigyan daw niya sila kaya ang mga blackies ay natuwa sa kanya. Pero nangako siya na iyon na ang una at huling punta niya doon baka maubos lang ang pera niya sa kalilibre sa kanila.

Ito ang kwento ng bestfriend kong kikay. Marami pa sanang karugtong kaya lang di ko naman sure kung mapipiling mai-publish… sayang lang ink ko.

Author: Noralin Madriaga

*Published in TF Newsmag (August 2008 issue)

No comments: