Walang masama sa pagbibigay ng payo
Lalo na kung ito'y nagbuhat sa puso
Lagyan din ng limitasyon pananalita mo
Magkakaiba ang damdamin ng lahat ng tao.
Minsan di mo alam, nakakasakit ka
Akala mo ok, pero hindi sa kanya
Tumahimik ka lang kung may napupuna
Huwag manghimasok sa buhay ng iba.
Ang buhay ng kapwa ang laging paksa
Sa mga usapan ng walang magawa
Tingnan ang sarili at ika'y mahiya
Huwag kang makialam, lalo na ang manira.
Kayrami ng taong may ganyang ugali
Kapag walang ginulo ay di mapakali
Hindi nakikita ang pagkakamali
Manahimik kana lang d'yan sa isang tabi.
Ang lahat ng tao ay may karapatan
Na gawin ang gusto sa kanyang paraan
Kung hindi sang-ayon, tumingin kana lang
Ang mahalaga, hindi ka naaapektuhan.
Sa mga natamaan, pasensya na po
Masasaktan ka lang kung ito'y gawain mo
Sa mga nabiktima, naku, hayaan mo
Babalik din sa kanila, maling ginawa sa iyo.
Ang aking mensahe sana ay makarating
Sa mga taong walang ibang gawain
Kundi makialam, manakit ng damdamin
Umayos ka naman, sarili ang atupagin.
Author: Zyrel
*Published in True Friends Newsmag (December 2008 issue)
No comments:
Post a Comment