28 January 2009

Kalusugan Ay Kayamanan

Sa buwang ito, bibigyan ko po ng pansin ang mga natatanggap kong mga katanungan sa text o panulat galing sa aking mga taga-subaybay at mambabasa, na pawang nagtatanong ukol sa kanilang KAGANDAHAN. Sa unang mga palatandaan ng pagkulubot ng mukha, marami sa ating mga kababaihan ang natataranta at nag-aalala. Biglang nararamdaman natin ang pagtanda at paglipas ng ating kasibulan. Inaalala na lamang ang lumipas na panahong nawala ang ating kabataan. Sa kabilang banda naman, may mga kababaihang may edad na subalit mukhang bata pa ang hitsura. Dalawang bagay lamang ito: maaaring sa tulong ng siyensiya o sila ang mga kababaihang hindi nilalabanan ang natural na nangyayari sa kanilang katawan, bagkus ito ay tinatanggap nila ng maluwag sa kanilang kalooban at inaalam ang tamang pangangalaga sa kanilang balat at katawan.

Karamihan sa mga kababaihan sa ngayon bata man o matanda ay pawang may ipinapahid na kung anu-ano sa mukha (cream, lotion, astringent at iba pa). Ito raw ay upang mapanatili ang kasariwaan at kagandahang panlabas. Sa mga taong umaasa sa mga nabanggit na kosmetikong ito—walang "magic potion" o "cream" ang makakapag-alis ng mga kulubot o ano pang mga imperpekto sa mukha tulad ng pekas. Gaano man kamahal ang mga ito, gaano man karami ang ilagay mo hindi pa rin nito mapapanatili ang kabataang inaasam mo ng pang habang panahon. NGUNIT, ang pagpapanatili ng kagandahan ay maaaring makamit at mapasaiyo ng mas matagal pang panahon. Maging disiplinado lamang at magkaroon ng likas na kagalakan at kasiyahan sa iyong pananaw sa buhay.

Paano ba tayo magiging disiplinado? Simple lamang ito. Una sa lahat ay sa ating pang araw-araw na pagkain. Habang tayo ay nagkaka-edad, humihina na ang ating metabolismo. Hindi na ito tulad noong mga "teenagers" pa lamang tayo. Noon talaga, maaari tayong kumain ng kumain hanggang kaya at ibig; sapagka't hindi naman natin napapansin ang mga pagbabago sa ating katawan. Kumbaga, kahit anong gana natin sa pagkain, kay dali pa ring matunaw ng ating kinakain kaya ating napapanatili ang ating "slim" na pangangatawan. Subalit, sa pagsampa ng mga edad na 35 pataas, ang ating "hormone" na responsable sa magandang metabolismo ng ating katawan ay humihina na at hindi na rin aktibo, kaya tumataba na tayo at unti-unting nakakadiskubre ng mga linya sa ating mukha at may mga hindi kanais-nais na "cellulite" sa ating buong katawan. Ang pagpapanatili ng slim na katawan ay malaki ang maitutulong kung ibig nating mapanatili ang ating kabataan. Kapag kasi tumataba o mataba tayo, ang unang nangyayari ay nagmumukha tayong may edad na. Ikalawa, naririyan na ang mga "cellulites" na "stored fats" sa ating katawan na nagbubuo-buo dahil masyadong mabagal ang ating mga kilos gawa ng mabigat ang pakiramdam. Kailangan nating imintina ang liksi ng ating katawan.

Sa pagdagdag ng edad mas kailangan natin ng ehersisyo. Ang kaso mo, masarap daw kumain, kahit ako ay hirap na hirap ding imantini ang aking "ideal weight". Hindi sana ito mahirap gawin kung may determinasyon at disiplina tayo sa ating katawan upang mapanatili ang ating liksi at lakas. Para huwag mahirapan, ugaliing maglakad sa umaga, kung ang iyong tinutuluyan ay nasa ikatlo o ikaapat na palapag isang magandang ehersisyo din kung ikaw ay maghahagdan na lamang huwag ka lang magdala ng marami. Ugaliin ang sadyang paglalakad—kung ang iyong pupuntahan ay malapit lamang at may oras ka pa. Labing-lima hanggang dalawampung minutong paglalakad ay mainam sa ating mga nagkaka-edad.

Kumain lamang paunti-unti. Sadya itong mainam kaysa biglang pagkain ng marami sa tatlong beses sa maghapon; maaaring kumain ng paunti-unti kahit ilang ulit sa maghapon. Ang ating panunaw ay hindi na kasing bilis gumiling tulad ng dati. Sa pag-aalaga sa mukha, pumili ng sabon at "cream" na ipapahid upang hindi matuyuan ang balat. Kailangang "moisturizing" ito at may "Vitamin E" at "Collagen". Ang paglalagay ng kolorete o "make-up" ay gawing paminsan-minsan na lamang o ayon sa okasyon; at hangga't maaari ay mas mainam na iwasan ito dahil sa mga kemikal na napapaloob dito. "Moisturizing" ang kailangan sa panahong ito ng nagkaka-edad. Ito ay mainam din laban sa klima (sobrang init, sobrang lamig o ang tinatatawag na UV "ultra-violet"). Malaki ang maitutulong nito upang hindi agad maglabasan ang mga linya sa mukha. Gawin ninyo ito, pati ang pagmamantini ng "ideal weight", makikita at mararamdaman natin ang buting dulot nito. Higit siyempre sa lahat, ang magkaroon ng bukal na kaligayahang nagmumula sa kaibuturan ng ating puso. Kahit gaano karaming kolorete ang ipahid natin sa ating mukha, kahit gaano kamahal, kahit na gaano kabantog ang tatak nito hindi kayang itago ang mukhang nagdanas ng hirap. Kulapulan mo man ng Cover Mark o Estee Lauder o Mark Spencer at iba pang mamahaling make-up ang iyong mukha, hindi ka naman maligaya, wala rin itong saysay. Ang panghuli, magkaroon ng walong oras na tulog at pahinga. Ito ang "best beauty treatment" na maaaring makuha ninuman ng libre.

Ito po ang inyong lingkod Ines A. David na nagpapasalamat na muli sa aking mga taga-subaybay sa aking kolum. Nagpapasalamat din ako sa sumulat sa akin na taga-Discovery Bay na nagtatanong tungkol sa almoranas. Ikaw ay aking inaanyayahang subukan ang ating "cleansing" sa pamamagitan ng Chlorophyllwith guarana juice. Sa mga tumatangkilik at patuloy na gumagamit ng "detoxifying process" ng Chlorophyll with Guarana Juice na nagpapalakas ng ating "immune booster" at panlaban sa sakit. Ang ating DYNATONIC na nagpapalakas sa ating bato, pantog at "colon". Sa ating mga "power coffee users" Kacif Fatimah, Tongkat Ali at Ganoderma, maraming salamat po sa inyong lahat!

Author: Ines David
*Published in True Friends Newsmag (December 2008 issue)

No comments: