Masarap ang magmahal at mahalin. Ngunit paano kung ang minahal mo ay sasaktan at iiwan ka lang? Ano ang gagawin mo? Gaganti ka ba at gagayahin mo ang ginawa niya sa iyo? Manahimik at magsasawalang kibo? Tanggapin ang pangyayari at magmove-on sa buhay? Alamin po natin.
Pag-ibig! Iyan ang pangunahing suliranin ng mga OFW saang panig man ng mundo.Unahin na natin ang mga nasa Hong Kong. Napakarami sa atin na ganyan ang problema. Nang magpunta ka dito napakaganda ng inyong mga pangarap para sa inyong pamilya at mga
anak. Umalis ka sa atin dahil ninais mo na makaipon at mapag-aral ang mga anak. Ngunit bakit iba ang nangyari, nasira ang pagsasama nyo ng asawa mo. Ano ba ang nangyari? Parang may mali, di ba? Nabalitaan mo na lang na may ginagawang milagro ang asawa mo. Aray ko po! Ah, napakasakit at nakakalungkot.
Minsan ayaw man nating tanggapin na may mga pagkakataon na tayo rin ang may kasalanan. Sa katwiran natin na "okey lang na magluko ang asawa basta ba pagdating ako parin ang asawa nya". At okey lang basta huwag siyang mag-aanak sa iba. Iba ka sa lahat, iba ka kung magmahal! Okey lang sa iyo dahil katwiran mo pa nga na kailangan ng asawa mo ang pangangailangan niya bilang isang lalake at katwiran pa
ng ilang lalake naman walang mawawala sa kanya, bagkus nagpapatingkad pa sa kanyang pagkalalake. Aba, bongga! Eh ikaw ba, tayo, walang pangangailangan? May puso ka, katawan at pakiramdam, di ba? Kaya kung katwiran nyo eh kailangan nya dapat sabihin nyo din kailangan nyo rin pero nagtitiis kayo dahil mahal nyo siya at ayaw nyong masira ang pinagsamahan nyo. Dahil katwiran na okey lang, kinukunsinti mo lang ang pagluluko ng asawa mo. Tingnan mo ha, dahil sa katwiran mo na iyan, ang asawa mong mabait, aba, nawiwili siya kasi nga katwiran mo "okey lang". Paano iyan kung matutuhan na niyang mahalin ang kinalolokohan niya? Ano na ang mangyayari? Eto na, magsisimula na ang away at walang katapusang sumbatan. Kesyo ganyan, kesyo ganito! Kasi ikaw, kasi siya! Ah, buhay pag-ibig, nakakabaliw!
Kailangan kasi natin na palagiang may komunikasyon sa ating mga mahal ng maiwasan kahit papaano ang mga ganitong pangyayari. Kung ang atin pong mga asawa ay nagluko lang noong umalis kayo sa Pilipinas pag-usapan nyong dalawa kung ano ba talaga? Saan na ba papunta ng relasyon nyo? May aasahan ka pa ba? At dapat ka pa bang umasa? Kung sinabi niya na ikaw parin ang mahal nya, okey fine! Bigyan natin ng isa pang pagkakataon. Why not? Coconut? Chestnut di ba? Tanggapin mo, bakit hindi? Kailangan mo tanggapin na tao lang ang asawa mo at natutukso rin. Lalo na kung ang asawa mo ang nilalapitan. Kung may pag-asa pa ang pagsasama nyo gawin nyo ang magagawa para maayos pa ang ang pinag samahan nyo. Sayang naman kung mauuwi sa wala ang sinimulan nyo. Pakialam mo ba sa iniisip ng iba kung iyon naman ang paraan para maging masaya ka. Dapat naman talaga na kayo ang higit na nagkakaintindihan dahil relasyon nyo iyan hindi ninuman. Kung kinakilangan na masakripisyo ka maging maayos lang ang samahan, bakit hindi? Pero kung ginawa mo na lahat, as in nilunok mo ng lahat ng pride mo, wala parin halaga sa kanya at pagkalipas lang ng ilang araw ayan na naman.Aba ba ba! Mag-isip-isip ka na kung okey lang ba sa iyo at kung kakayanin mo na dalawa kayo sa kanya? Over na iyan ha! Kailangan na mamili siya kung sino ba talaga sa inyo ang mahal niya? Hindi puwede iyong katwiran na ikaw ang mahal niya pero may iba pang nakareserba na pag wala ka siya muna proxy ika nga. Dahil kung mahal ka niya, patunayan at panindigan niya.
Oo, mahirap ang malayo sa mahal mo ngunit dahil my pangarap ka kaya kailangan mo na magsakripisyo. Sino ba ang di nahihirapan pag malayo ka sa mga minamahal? Wala di ba? Mahirap iyong umasa ka sa wala at nagmumukha kang tanga! Kailangan din naman nating magtira ng pagmamahal para sa sarili natin. Kapag nagmahal tayo kailangan 50-50 lang. Hindi maaaring lahat lahat dahil pag nabigo tayo baka maloka ka. Eh ang pag-ibig pa naman pag pumasok sa puso, patay, bulag, pipi at bingi. In short, kakaloka!
Ngayon kung ang sagot sa iyo ay mas mahal na niya si SPO2 , ngak, patay! Kailangan mo ng mag-isip at magdesisyon kung ano ang mas makakabuti sa iyo -- ang maging martir ba habang buhay o ang palayain siya? Ah, napakasakit, kuya Eddie! Kaylupit mo pag-ibig! Sinasabi ng iba na bahala na siya sa buhay niya at hahanap na lang ng iba. Madaling sabihin, mahirap gawin lalo na kung itinakda mo na sa isip mo na siya ang asawa mo at magsasama kayo sa hirap at ginhawa. Paano pa nga kayo magsasama kung may mahal na siyang iba? At si SPO2 na ang gusto nyang makasama sa hirap at ginhawa kahit pa mali ang isipin ng iba. Kailangan ba na maghabol ka sa kanya habangbuhay dahil asawa mo siya? Oh come on! Move on. Ang buhay natin ay napakaiksi sasayangin mo pa ba ito sa isang kaluluwang ayaw na sa iyo? Sabi ko nga po kanina kung may pag-asa pa, bakit hindi? Pero kung wala na, hello?! Magising ka sa katotohanan at tanggapin ang kapalaran di ba? Kailangan natin ng lakasan ng loob at harapin ang bukas. Kung ang iisipin nyo lang siya at siya wala ng iba eh maawa naman kayo sa sarili nyo higit sa lahat sa mga anak na umaasa sa inyo. Ipakita nyo sa asawa nyo na kaya nyo na kahit mawala siya makakaya nyo. Sino ba sya para habul-habulin nyo? Lalo na kaya lang pala siya nakakuha ng SPO2 dahil sa padala nyo. Hah! Masaya ka! Kaarawan mo ba araw-araw? Akin naman ang bukas.
Sa mga anumang samahan dito sa Hong Kong pangkaraniwan na natin itong naririnig. Pero alam nyo ba na hindi ibig sabihin na kaya lang nagluko ang asawa nyo eh dahil andito kayo. Ang mga asawa kung nais talagang magluko kahit katabi nyo gabi-gabi sa higaan gagawa at gagawa ng paraan iyan upang magawa ang nais nya. Nagkataon lang na mas may dahilan sila dahil malayo ka sa kanya kaya iyon ang idinadahilan niya. Ika nga ng kasabihan "kung gusto may paraan, kung ayaw may dahilan." Tama naman, hindi ba?
Kaylupit mo pag-ibig to the point na nagmumukha ka nang tanga at sugar mommy. Iyong iba pa nga kay SPO2 nagpapadala ng pera at siya na ang bahalang magbudget para sa mga anak dahil hindi marunong sa pera si general. Sustentado, asensado, abusado ika mo! At pag wala kang maipadala aawayin ka at ibinebenta ang mga naipundar mong gamit. Wow! At kung wala ng gamit babalasin ang bahay dingding man o bubong ng bahay. Mga tinamaan ng magaling! Ikaw kasi eh masyadong mabait. Ang iba naman, sabi bibili daw ng bahay o lupa, pasamahin na natin bahay at lupa, kamukat-mukat wala pala, pinag-pasarap o pinantustos lang pala sa luho ni SPO2. Gusto ko na atang mag-amok, lalaban ka ba? Maraming kuwento, ibat-ibang mukha ng kalokohan. Hay, life!
Sa dami ng nangyari, nangyayari at mangyayari pang ganito sana magkapuwang parin ang pagpapatawad. Pagpapatawad bilang kaibigan man lang at katuwang kahit papaano para sa mga anak. Kung nangyari man ito sa atin sana wag nating ipagkait ang mga anak natin sa kanilang ama o ina man. Dahil pagbabaligtarin man natin ang mundo magulang parin sila ng mga anak mo. Hindi ko sinasabing magkabalikan pa kayo kung wala na iyong respeto at pagmamahal mo sa kanya. Ang ibig kong sabihin ay bilang kaibigan man lang para sa mga bata. Ngunit kung ang mga bata na ang ayaw eh mahirap iyon, ibig sabihin grabe ka, general. At sorry, di ba kailangan ligawan nya ang mga anak nya para mapaamo niya?
Masakit at mahirap man tanggapin ngunit may mga pangyayaring nais man nating iwasan pero iyon pa rin ang nangyayari. Parang aksidente, ingat na ingat ka na eh nababangga ka pa rin. Huwag po nating hayaan na palaging poot ang naiiwan sa ating puso at isipan. Imulat natin ang ating mundo sa panibagong yugto ng buhay. Dahil walang mangyayari sa atin kung palagi tayong nakalingon sa nakaraan, mababangga ka, ikaw rin. Harapin mo ang kasalukuyan at tanawin mo ang kinabukasan. Magsilbi kang sandigan ng iyong mga mahal na anak. Malay mo, may makikilala kang higit pa sa nang-iwan sa iyo at tanggapin ang nakaraan mo. Tuloy ang buhay kahit nag-iisa. Isipin mo na siya ang nawalan ng iwan ka niya at hindi siya kawalan sa buhay mo. Maraming nagmamahal sa iyo. Pangyaw, andito lang kami.
Author: Daisy Vanzuela
Published in True Friends Newsmag September 2009 Issue (vol. 6 no. 2)
13 November 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment